Tungkol sa Maternal Mortality Review Panel at Proseso ng Pagsusuri
Isinasagawa ng Department of Health (DOH, Kagawaran ng Kalusugan) ang Pagsusuri sa Pagkamatay ng Ina ayon sa iniaatas sa Maternal Mortality Review Law (Batas sa Pagsusuri sa Pagkamatay ng Ina) (Revised Code of Washington (RCW, Binagong Kodigo ng Washington) 70.54.450) (sa English lang). Itinatalaga ng Kalihim ng Kalusugan ang mga kalahok sa Maternal Mortality Review Panel (MMRP, Tagasuring Panel sa Pagkamatay ng Ina). Binubuo ang Panel ng mga propesyonal sa kalusugang perinatal at eksperto sa pagkakapantay-pantay sa kalusugan sa iba't ibang panig ng Estado ng Washington na may magkakaibang disiplina at pinanggalingan.
Iniimbitahan ang mga miyembro ng Panel para makilahok sa proseso ng pagsusuri sa pagkamatay ng ina sa maraming antas at para maglingkod bilang mga ekspertong tagapayo sa klinika o subject. Ginawa ang proseso ng pagsusuri upang magturo, magbigay-galang, at maiwasan ang mga katulad na pangyayari. Lubos itong nakatuon sa pagpapabuti ng pagkakapantay-pantay sa kalusugan at pagtugon sa racism, diskriminasyon, at pagkiling.
Sinusuri ng MMRP ang pagkamatay ng mga taong pumanaw habang buntis o sa loob ng isang taon matapos magbuntis. Para sa bawat kaso, pinag-aaralan ng mga miyembro ng Panel ang iba't ibang hindi nakikilalang rekord, kasama na ang impormasyon tungkol sa pagpapaospital, vital statistics, medikal na rekord, at ulat ng autopsy. Kumpidensiyal ang mga dokumento at datos na nakolekta para sa proseso ng pagsusuri sa pagkamatay ng ina; pinagbabawalan ang Panel na maglabas ng anumang impormasyong nagpapakilala sa mga indibidwal.
Inaalam ng MMRP kung aling mga pagkamatay ang may kinalaman sa pagbubuntis at kayang iwasan. Mula sa mga kasong ito, gumagawa ang panel ng mga rekomendasyon upang maiwasang mangyari ulit ang mga katulad na sitwasyon. Sa bawat tatlong taon, binibigyang-priyoridad ng MMRP at DOH ang mga rekomendasyon para sa pag-uulat sa lehislatura ng estado.
- Mga Resulta mula sa Ulat sa 2023: Pagsusuri sa Pagkamatay ng mga Ina, 2017–2020
-
Isinumite ng Department of Health ang ulat nito ng Maternal Mortality Review Panel sa 2023 sa Washington State Legislature (Lehislatura ng Estado ng Washington), na may buod ng mga resulta mula sa mga pagkamatay na perinatal mula 2014 hanggang 2020 at mga rekomendasyon batay sa mga pagkamatay na perinatal mula 2017 hanggang 2020.
Maternal Mortality Review Panel ng Estado ng Washington: Pagkamatay ng mga Ina 2017–2020 Ulat noong Pebrero 2023 (PDF) (sa English lang)
Kasama sa ulat ang isang addendum mula sa American Indian Health Commission (Komisyon sa Kalusugan ng American Indian) (sa English lang), na pinamagatang Tribal and Urban Indian Leadership Recommendations (Mga Rekomendasyon ng Pamunuan ng Indian na Pantribo at Panglungsod) (sa English lang).
Matagumpay na nasuri ng Maternal Mortality Review Panel (MMRP) ng Estado ng Washington ang pagkamatay ng mga ina mula 2017–2020, at inilathala ng Department of Health ang lehislatibong ulat na ito tungkol sa mga resulta at rekomendasyon mula sa Panel. Bumuo ang Panel ng anim na rekomendasyon at aktibidad na ipatutupad upang makatulong na bawasan ang pagkamatay ng mga ina na kayang iwasan at mapabuti ang pangangalagang perinatal para sa lahat ng tao sa estado. Kasama sa ulat ang mga rekomendasyong ito. Isinumite ang ulat at mga rekomendasyon sa mga komite ng pangangalagang pangkalusugan sa Lehislatura noong Pebrero 2023.
Kasama sa mga resulta ng ulat ang:
- Hindi mabilis na nagbabago-bago ang mga antas ng pagkamatay ng mga ina sa Washington. Ayon sa historikal na datos na nakolekta tungkol sa pagkamatay ng mga ina na nangyari mula 2000 hanggang 2020, nag-iba-iba ang mga antas ng pagkamatay ng mga ina sa estado sa pagdaan ng panahon, pero hindi mabilis na nagbabago-bago at hindi tumataas ang mga ito tulad ng nangyayari sa buong bansa.
- Ayon sa kasaysayan, mas mababa ang mga antas ng pagkamatay ng mga ina sa Washington kung ikukumpara sa buong bansa.
- Gayunpaman, umiiral pa rin ang mga kritikal na kakulangan ayon sa lahi at etnisidad, sosyo-ekonomikong katayuan, at urban/rural na katayuan.
- Ang pinakabagong ulat ay naglalaman ng mga rekomendasyon sa patakaran, pagpopondo, klinikal, at pang-institusyon mula sa mga pagsusuri sa pagkamatay ng mga ina sa panahon mula 2017–2020 at mga resulta batay sa naipong datos mula sa mga pagkamatay noong 2014–2020.
- May natukoy ang Panel na 224 pagkamatay na nauugnay sa pagbubuntis mula 2014–2020. Inilalarawan ang mga ito bilang mga pagkamatay na may anumang dahilan sa panahon ng pagbubuntis o sa loob ng isang taon matapos magbuntis.
- Mula sa 224 pagkamatay na ito, 97 pagkamatay na may kinalaman sa pagbubuntis ang natukoy ng Panel (na inilalarawan bilang mga pagkamatay na idinulot ng komplikasyon sa pagbubuntis, magkakasunod na pangyayaring nagsimula sa pagbubuntis, o paglubha ng walang kinalamang (mga) kondisyon dahil sa mga pisyolohikong epekto ng pagbubuntis).
- Nagkaroon ng 15.9 pagkamatay na may kinalaman sa pagbubuntis kada 100,000 pagsilang ng buhay mula 2014–2020 sa Washington, na mas mababa sa antas ng U.S. na 18.6 pagkamatay na may kinalaman sa pagbubuntis kada 100,000 pagsilang ng buhay sa yugto ng panahong ito.
- Ang mga nangungunang pinagbabatayang sanhi ng pagkamatay na may kinalaman sa pagbubuntis sa Washington ay mga kondisyon sa kalusugan ng pag-uugali (32 porsiyento), na pinangingibabawan ng pagpapatiwakal at overdose. Ang iba pang karaniwang sanhi ay pagdurugo (12 porsiyento) at impeksiyon (9 porsiyento).
- Napag-alaman ng Panel na 80 porsiyento ng pagkamatay na may kinalaman sa pagbubuntis ay kayang iwasan, ibig sabihin, may kaunting tsansa kahit papaano na mapigilan ang pagkamatay kung iba ang salik na nagsanhi sa pagkamatay.
- Sa Washington, ang antas ng lahat ng pagkamatay na nauugnay sa pagbubuntis para sa mga taong hindi Hispanic Black at mga taong hindi Hispanic Native Hawaiian at Pacific Islander ay higit sa 2.5 beses ng katumbas na antas para sa mga taong hindi Hispanic white.
- Sa Washington, ang antas ng lahat ng pagkamatay na nauugnay sa pagbubuntis sa mga taong hindi Hispanic American Indian at mga taong Alaska Native ay 8.5 beses na mas malaki sa katumbas na antas para sa mga taong hindi Hispanic white.
- Mga Rekomendasyon ng Panel upang Mabawasan ang Pagkamatay ng Ina
-
Batay sa mga resulta mula sa pagsusuri nito sa mga pagkamatay noong 2017–2020, bumuo ang MMRP ng mga rekomendasyon na makakatulong para bawasan ang pagkamatay ng mga ina na kayang iwasan at mapabuti ang pangangalagang pangkalusugan para sa mga tao bago ang, sa panahon ng, at pagkatapos ng pagbubuntis. Ang mga rekomendasyon ay:
- TANGGALIN ANG RACISM AT PAGKILING
Tugunan ang racism, diskriminasyon, pagkiling, at stigma sa pangangalagang perinatal. - TUGUNAN ANG DISORDER SA KALUSUGAN NG PAG-IISIP AT PAGKALULONG SA ALAK O GAMOT
Dagdagdan ang access sa mga paraan para iwasan, i-screen, at gamutin ang disorder sa kalusugan ng pag-iisip at pagkalulong sa alak o gamot para sa mga taong buntis at magulang. - PAGANDAHIN ANG KALIDAD AT ACCESS SA PANGANGALAGANG PANGKALUSUGAN
Palawakin ang patas at dekalidad na pangangalagang pangkalusugan, kapag pinabuti ang integrasyon ng pangangalaga, pinalawak ang mga serbisyo ng telehealth, at dinagdagan ang reimbursement - PAGTIBAYIN ANG KLINIKAL NA PANGANGALAGA
Pagtibayin ang kalidad at availability ng perinatal na klinikal at emergency na pangangalaga na malawakan, may koordinasyon, akma sa kultura, at may sapat na kawanihan. - IBIGAY ANG MGA PANGUNAHING PANGANGAILANGAN NG MGA TAO
Ibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga taong buntis at magulang kapag binigyang-priyoridad ang access sa mga serbisyo sa pabahay, nutrisyon, kita, transportasyon, pangangalaga ng bata, pagnabiga sa pangangalaga, at pagsuportang may kaugnayan sa kultura. - TUGUNAN AT IWASAN ANG KARAHASAN
Iwasan ang karahasan sa panahong perinatal sa tulong ng mga serbisyong may koordinasyon na nakasentro sa mga taong nakaligtas sa ganitong kalagayan at akma sa kultura.
- TANGGALIN ANG RACISM AT PAGKILING
- Pagpapatupad sa mga Rekomendasyon ng MMRP
-
Ngayong nailathala na ang Ulat ng Maternal Mortality Review sa 2023, mag-aalok ang DOH ng mga pagkakataong matuto na bukas sa publiko, kung saan namin tatalakayin ang mga resulta, rekomendasyon, at aktibidad na ipatutupad sa hinaharap na nasa ulat. Hinihikayat namin ang sinumang indibidwal o organisasyon na ibahagi sa amin kung paano mo inilalapat ang mga rekomendasyon ng Panel, planong ilapat ang mga ito, o isinasaalang-alang na ilapat ang mga ito. Kung mayroon kang tanong o komento o gusto mong ilahad ng DOH ang ulat sa iyong team o organisasyon, makipag-ugnayan sa amin sa maternalmortalityreview@doh.wa.gov.
Mula noong inilathala ang nakaraang ulat, noong 2019, nagtulungan na ang DOH at ang mga kaakibat nito para ipatupad ang mga rekomendasyon mula sa ulat na iyon. Narito ang ilang halimbawa.
Centers of Excellence for Perinatal Substance Use
Ayon sa CDC, ang bilang ng babaeng may diagnosis na may kinalaman sa opioid na naidokumento sa panahon ng panganganak ay tumaas (sa English lang) nang 131% mula 2010 hanggang 2017. Ang Healthcare Cost and Utilization Project (HCUP), na pinamamahalaan ng U.S. Agency for Healthcare Research and Quality (Ahensiya ng U.S. para sa Pananaliksik at Kalidad ng Pangangalagang Pangkalusugan), ay naglathala (sa English lang) ng datos mula 2017 na nagpapakitang tinatayang isang sanggol ang nada-diagnose ng Neonatal Abstinence Syndrome (NAS, Kalipunan ng Sintomas ng Abstinensiya sa Bagong Silang na Sanggol) sa bawat 19 minuto sa U.S, o halos 80 bagong silang ang nada-diagnose araw-araw. Tumaas ang bilang ng sanggol na isinilang nang may NAS nang 82% sa buong bansa mula 2010 hanggang 2017. Nakitaan ng pagtaas ang halos lahat ng estado at demograpikong grupo. Ayon sa datos ng Healthcare Cost and Utilization Project (HCUP, Proyekto sa Gastos at Paggamit ng Pangangalagang Pangkalusugan) noong 2018 (sa English lang), ang Estado ng Washington ay may antas na 9.8 kada 1,000 ng NAS sa mga bagong silang na naospital.
Napag-alaman ng Maternal Mortality Review Panel (MMRP) na sangkot ang opioids sa karamihan ng aksidenteng pagkamatay dahil sa overdose na nauugnay sa pagbubuntis mula 2014-2016. Kasunod nito, inirekomenda ng Panel ang pagpapatupad ng mga protokol at kasangkapan at alituntunin sa kaligtasan ng pasyente na batay sa ebidensiya na nakakatugon dito at sa iba pang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa mga buntis at postpartum na Washingtonian. Bilang tugon sa mga resulta at rekomendasyon ng Panel, nagtulong-tulong ang Department of Health (DOH) ng Estado ng Washington, Health Care Authority (HCA, Awtoridad sa Pangangalagang Pangkalusugan), at Washington State Hospital Association (WSHA, Samahan ng Ospital sa Estado ng Washington) upang magawa ang Centers of Excellence for Perinatal Substance Use (COE, Mga Sentro ng Kahusayan para sa Pagkalulong sa Alak o Gamot sa Perinatal) (sa English lang).
Ang COE ay isang boluntaryong programa ng sertipikasyon na bukas sa mga nagpapaanak na ospital sa estado ng Washington. Ang layunin ng programang ito ay upang kilalanin ang napakahalagang tungkuling ginagampanan ng mga nagpapaanak na ospital at tagapangalaga sa pagsuporta sa mga taong buntis at may disorder sa pagkalulong sa alak o gamot, at upang isulong ang mga sistemikong pagpapabuti sa mga kasanayan namin sa perinatal.
Upang maituring na Center of Excellence, dapat matugunan ng mga nagpapaanak na ospital ang walong pamantayan. Makikita ang mga pamantayan, pati na ang tagubilin kung paano mag-apply, sa webpage ng Centers of Excellence (sa English lang).
Inilunsad ang isang panimulang programa noong Oktubre, 2021, na may 13 ospital na naka-enroll sa AIM Bundle: Obstetric na Pangangalaga para sa Kababaihang may Disorder sa Paggamit ng Opioid. Inilunsad ng DOH, sa pakikipagtulungan sa Washington State Hospital Association (WSHA, Samahan ng Ospital sa Estado ng Washington), ang SUD Learning Collaborative (Sama-samang Pagkatuto sa Disorder sa Pagkalulong sa Alak o Gamot) (sa English lang) noong Abril 2022. Sinusuportahan ng programang ito ang mga pagsisikap ng mga ospital para maituring na Center of Excellence. Pinopondohan ang programang COE sa tulong ng Enhancing Reviews and Surveillance to Eliminate Maternal Mortality (ERASE MM, Pagpapahusay sa mga Pagsusuri at Pagmamatyag upang Maiwasan ang Pagkamatay ng Ina) grant na ipinagkaloob mula sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Para sa higit pang impormasyon, makipag-ugnayan kay Tibbs Christensen, Tagapangasiwa ng Kalusugan ng Ina, tiffany.tibbschristensen@doh.wa.gov.
Maliliit na Grant para sa Kalusugan ng Pag-uugali ng Ina
Ayon sa mga resulta mula sa ulat noong 2019, ang isa sa mga nangungunang pinagbabatayang sanhi ng pagkamatay sa mga pagkamatay na may kinalaman sa pagbubuntis ay mga kondisyon sa kalusugan ng pag-uugali, kasama na ang pagpapatiwakal at overdose. Kasama sa mga salik na nagsasanhi sa mga pagkamatay na ito ang kawalan ng kaalaman tungkol sa mga kondisyon sa kalusugan ng pag-uugali, paggamot, at resource, pati na rin ang stigma at pagkiling na may kinalaman sa mga kondisyon sa kalusugan ng pag-uugali.
Ang pagkakataon sa Maternal Behavioral Health Mini Community Grant (Maliit na Grant sa Komunidad para sa Kalusugan ng Pag-uugali ng Ina) ay nakatuon sa rekomendasyon ng Maternal Mortality Review Panel upang “Madagdagan ang kaalaman at kakayahan ng mga provider, pasyente, at pamilya tungkol sa mga kondisyon sa kalusugan ng pag-uugali sa panahon at pagkatapos ng pagbubuntis, at sa paggamot at mga resource na available bilang pansuporta.”
Ang mga pondo para sa mga community grant na ito ay ginawang available sa tulong ng proyektong ERASE MM (sa English lang), na ipinagkaloob sa DOH ng Centers for Disease Control and Prevention; Preventative Health Services Block Grant (Block Grant para sa Mga Serbisyo ng Kalusugan na Pang-iwas sa Sakit; Maternal and Child Health Block Grant (Block Grant para sa Kalusugan ng Ina at Anak); at Maternal Infant Health Opioid Legislative Funding (Lehislatibong Pagpopondo sa Opioid para sa Kalusugan ng Ina at Sanggol).
Mga Nakatanggap ng Grant na Pondo para sa Kalusugan ng Ina at Pag-uugali sa 2021–2023
Paanakan sa Komunidad
Pangkalahatang-ideya: Upang mabawasan ang mga kakulangan at matugunan ang tungkulin ng kalusugan ng pag-uugali sa krisis ng pagkamatay ng ina at sanggol, gagawa sila ng (1) mga espasyo para sa pagtitipon nang dalawang beses sa isang linggo para sa mga antepartum at postpartum na pamilya na may pangkomunidad na modelo ng pangungumusta at pagsuporta sa kalagayan ng ina at bagong silang na sanggol para sa perinatal na kalusugan ng pag-iisip, at (2) network para sa pagsasanay at pagkakaroon ng pananagutan ukol sa pagkiling ayon sa lahi para sa mga provider ng serbisyong perinatal upang itaguyod at baguhin ang mga batayang pag-unawa sa kultura na kailangan para makapagbigay ng pangangalagang walang kinikilingan at akma sa kultura.
University of Washington
Pangkalahatang-ideya: Tugunan ang Perinatal Mood and Anxiety Disorders (PMAD, Mga Disorder sa Perinatal na Mood at Pagkabalisa) sa mga magulang ng mga sanggol na kailangang alagaan sa Neonatal Intensive Care Unit (NICU, Unit sa Matinding Pangangalaga sa Bagong Silang na Sanggol) sa tulong ng (1) pagpaparami sa kaalaman at kakayahan sa PMAD ng mga provider ng NICU gamit ang mga module para sa virtual na pag-aaral, (2) pagtuturo sa mga pamilya ng NICU tungkol sa PMADs at mga available na resource, at (3) pagpapahusay sa PMAD screening sa panahon sa NICU ng mga sanggol.
Western Washington University
Pangkalahatang-ideya: Magpatupad ng Perinatal Support Pathway (PSP, Daan tungo sa Perinatal na Suporta), na unang linya ng suporta para sa mga perinatal na taong may mga bahagya at katamtamang alalahanin sa kalusugan ng pag-uugali, sa tulong ng (1) pagtuturo sa mga provider ng pangangalagang perinatal sa Whatcom County tungkol sa perinatal na kalusugan ng pag-uugali, epektibong screening, at pag-refer sa PSP, at (2) pagpapatupad sa PSP sa pagsasanay sa mga kapwa provider sa interbensiyong may empirikal na suporta na tinatawag na Listening Visits (Mga Pagbisita para Mapakinggan).
First Five Fundamentals
Pangkalahatang-ideya: Magsagawa ng tatlong aktibidad na nakabatay sa kanilang kasalukuyang trabaho at nagpaparami sa mga serbisyo ng perinatal na suporta para sa mga pamilyang nagsasalita ng Spanish at may lahing Black at African American sa tulong ng (1) pagpaparami sa availability ng mga grupong Group Peer Support (Panggrupong Suporta sa Kapwa); (2) pagpaparami sa kaalaman ng provider sa kalusugan at kapasidad upang matugunan ang PMADs; at (3) pagpaparami sa kaalaman ng kaakibat sa komunidad at pamilya tungkol sa PMADs at ng mga resource sa komunidad na available na pansuporta sa mga pamilya sa pamamagitan ng social media marketing.
Providence Health Care Foundation
Pangkalahatang-ideya: Suportahan ang programang Maternal Medication-Assisted Treatment (MMAT, Paggamot sa Ina sa tulong ng Medisina) sa tulong ng (1) pagbibigay ng outreach at edukasyon sa mga doktor tungkol sa programang MMAT; (2) pagpapatibay sa programa sa pag-refer sa komunidad na eat-sleep-console (pakainin-patulugin-pakalmahin); at (3) pagpapatupad sa TeamBirth, na nagbibigay-diin sa sama-samang pagpapasya sa kabuuan ng proseso ng panganganak.
Para sa higit pang impormasyon, makipag-ugnayan kay: Tiffany Tibbs Christensen, Tagapangasiwa ng Kalusugan ng Ina, tiffany.tibbschristensen@doh.wa.gov
- Pag-apply upang Makasali sa MMRP para sa Estado ng Washington
-
Lampas na ang takdang petsa ng aplikasyon upang mag-apply na makasali sa Washington State Maternal Mortality Review Panel (MMRP) para sa tatlong taong termino (2023–2025). Magre-recruit ulit kami sa 2025 para sa susunod na tatlong taong termino.
Sa mga panahon ng recruitment, naghahanap ang MMRP ng mga eksperto gaya ng:
- Mga Indian na lider at provider ng kalusugang pantribo o urban
- Mga provider ng medikal, nurse, at serbisyong espesyalista sa pangangalagang perinatal, obstetric, para sa bagong silang na sanggol, o pediatric, gaya ng mga clinician, midwife, doula, manggagawa sa kalusugan sa komunidad, nurse, social worker, iba pang provider. Maaaring kasama rin dito ang mga eksperto sa pangangalagang obstetric na eksperto rin sa iba pang mahalagang klinikal na larangan, gaya ng cardiology, oncology, o mga autoimmune disorder.
- Mga kinatawan ng nagpapaanak na ospital o lisensiyadong paanakan
- Mga koroner, medikal na tagasuri, o pathologist
- Mga provider ng serbisyo sa kalusugan ng pag-uugali
- Mga kinatawan ng ahensiya ng estado
- Mga eksperto tungkol sa pagkakapantay-pantay sa kalusugan at lipunan na may impluwensiya sa mga isyu sa kalusugan (hal., racism, access sa pabahay) dahil nakakaapekto ang mga ito sa pagkamatay ng ina, pangangalagang perinatal, at mga kinahihinatnan ng pagbubuntis.
- Mga indibidwal na eksperto sa iba pang larangan ayon sa pagpapasya ng Department of Health (hal., pag-iwas sa pinsala at karahasan, Special Supplemental Nutrition Program for Women, Infants, and Children (WIC, Espesyal na Programa sa Pantulong na Nutrisyon para sa mga Babae, Sanggol, at Bata), mga mananaliksik, CPS, EMS, atbp.)
- Mga indibidwal o organisasyong kumakatawan sa mga populasyong pinakaapektado ng mga pagkamatay na may kinalaman sa pagbubuntis o mga pagkamatay na nauugnay sa pagbubuntis at kawalan ng access sa mga serbisyo ng pangangalagang pangkalusugan ng ina.
- Sa Washington, kasama rito ang mga taong nabuntis at/o naranasan nang manganak AT may lahing Black, American Indian/Alaska Native, Native Hawaiian/Pacific Islander, recipient ng Medicaid (Apple Health), mula sa mga background na may mababang kita, o nakaranas ng mga kondisyon sa kalusugan ng pag-iisip at pag-uugali gaya ng disorder sa pagkakalulong sa opioid o postpartum depression.
- Kasama rin dito ang mga taong malapit na kaugnayan ng mga taong saklaw ng mga pamantayang ito.
Magbasa pa rito tungkol sa aming proseso (sa English lang)
Kung mayroon kang anumang tanong, makipag-ugnayan sa Tagapangasiwa ng Pagsusuri sa Pagkamatay ng Ina sa maternalmortalityreview@doh.wa.gov
- Pagpapalawak sa Batas
-
Ang batas sa pagkamatay ng ina (sa English lang) ng estado ng Washington ay nagbibigay sa Department of Health ng awtoridad para kumuha ng mahahalagang rekord ng pagkabuhay, medikal na rekord, at ulat ng autopsy na may kinalaman sa pagkamatay ng mga ina. Nagbibigay rin ang batas ng mga proteksiyon para sa mga rekord na iyon at para sa mga miyembro ng panel na kalahok sa pagsusuri. Ang awtoridad at proteksiyong ito ay nagbibigay-daan sa Department at sa Panel upang alamin kung aling mga pagkamatay ang kayang iwasan at tukuyin ang mga isyung humantong sa mga pagkamatay na kayang iwasan.
Noong 2019, pinalawak ng estado ng Washington ang batas para suportahan at palakasin ang mga pagsusuri sa pagkamatay ng ina na isinasagawa ng Maternal Mortality Review Panel. Inamyendahan ang batas upang permanenteng itatag ang Panel at ang proseso ng pagsusuri sa pagkamatay ng ina sa Washington. Kasama sa iba pang pagbabago ang:
- Pag-aatas ng kinatawang pantribo.
- Pagpapalawak sa mga kinatawan para isama ang lahat ng uri ng mga provider ng serbisyong obstetric, perinatal, medikal para sa kalusugan ng kababaihan, at pang-nurse, pati na rin ang mga indibidwal o organisasyong kumakatawan sa mga populasyong pinakaapektado ng pagkamatay ng ina at kawalan ng access sa pangangalaga ng ina.
- Ang datos na may kinalaman sa pagsusuri sa pagkamatay ng ina ay maaaring ibahagi sa Centers for Disease Control and Prevention, mga lokal na hurisdiksyon sa kalusugan, mga panrehiyong pagsisikap para sa pagsusuri sa pagkamatay ng ina gaya ng American College of Obstetrics and Gynecology District VIII (Distrito VIII ng Kolehiyo ng Obstetrics at Gynecology ng America), at mga pantribong entity.
- Access sa mga rekord mula sa Department of Children, Youth and Families (Kagawaran ng mga Bata, Kabataan, at Pamilya).
- Pag-aatas sa mga ospital at paanakan na gumawa ng mga pagsisikap na may mabuting hangarin para iulat ang mga pagkamatay na nangyari sa panahon ng pagbubuntis o sa loob ng 42 araw matapos magbuntis sa lokal na koroner o medikal na tagasuri, na mag-iimbestiga sa pagkamatay sa tulong ng autopsy na masidhing ipinapayo. Ire-reimburse ang mga county nang 100 porsiyento para sa mga autopsy. (Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga kinakailangan para sa pag-uulat at pag-iimbestiga, tingnan ang Mga Dulugan sa ibaba.)
- Mga Dulugan at Nakaraang Ulat
-
Additional materials related to the new 2023 maternal mortality report will be available soon.
- Lehislatibong Factsheet 2023 tungkol sa Pagkamatay ng mga Ina 2014-2020 (PDF)
- Mga Kinakailangan sa Pag-uulat ng Pagkamatay at Pag-iimbestiga sa Pagkamatay ng Ina (PDF) (sa English lang)
- Website ng Review to Action – pagsulong sa proseso ng pagsusuri sa pagkamatay ng ina (sa English lang)
- Mga agarang senyales ng babala ng ina
- Mga Checklist para sa Anesthesia sa Obesity ng Ina (PDF) (sa English lang)
- Mas Ligtas na Pangangalaga sa mga Obese na Buntis na Pasyente (PDF) (sa English lang)
- Ulat ng Black Mamas Matter sa Maternal Mortality Review Committees
- Mga Alituntunin sa Autopsy kaugnay ng Pagkamatay ng Ina (PDF) (sa English lang)
- Mga Madalas Itanong tungkol sa Pagkamatay ng Ina (PDF) (sa English lang)
- Webinar: Pag-iimbestiga sa Pagkamatay ng Ina sa Estado ng Washington (sa English lang)
- Mga Rekomendasyon sa Schedule ng Postpartum na Follow-up na Pangangalaga para sa Kababaihang Na-diagnose ng mga Hypertensive Disorder habang Buntis (PDF) (sa English lang)
- Estratehikong Plano sa Pagpapahusay sa mga Pagsusuri at Pagmamatyag upang Maiwasan ang Pagkamatay ng Ina (ERASE MM): 2021-2024 (sa English lang)
Mga nakaraang ulat ng pagkamatay ng ina
- Pagsusuri sa Pagkamatay ng Ina – Isang Ulat tungkol sa Pagkamatay ng mga Ina sa Washington 2014-2016 (PDF) (Ulat noong 2019) (sa English lang)
- Pagsusuri sa Pagkamatay ng Ina – Isang Ulat tungkol sa Pagkamatay ng mga Ina sa Washington 2014-2015 (PDF) (sa English lang)
Mga Fact Sheet at Archive ng mga Dulugan
- Lehislatibong Factsheet 2019 tungkol sa Pagkamatay ng mga Ina 2014-2016 (PDF) (sa English lang)
- Maternal Mortality Review Panel: Isang maagang pagtingin sa Pagkamatay ng mga Ina noong 2017 (PDF) (sa English lang)
- Mga Rekomendasyon at Aktibidad sa Pag-iwas para sa mga Gumagawa ng Patakaran at Ahensiya ng Estado (PDF)
- Mga Rekomendasyon at Aktibidad sa Pag-iwas para sa mga Provider ng Serbisyong Perinatal at Klinikal (PDF)
- Paano Pa Ako Puwedeng Makisali?
-
Pinauunlakan ng Department of Health ang iyong input tungkol sa kung paano pinakamahusay na matutugunan ng Maternal Mortality Review Panel ang mga layuning itinatag ng lehislatura. Walang gaganaping pormal na proseso ng pampublikong pagdinig (maliban na lang kung kailangan para i-update ang Washington Administrative Code (Kodigong Administratibo ng Washington)). Gayunpaman, hinihikayat namin ang mga interesadong partido na ibahagi ang kanilang mga ideya sa kawanihan ng Department of Health.
Upang magtanong, magbahagi ng mga ideya, o makatanggap ng abiso kapag nailabas na ang ulat ng MMRP, makipag-ugnayan sa amin sa maternalmortalityreview@doh.wa.gov.