988 na Lifeline laban sa Pagpapakamatay at Krisis

Person holding phone with 988 contact information in Tagalog

Available na ang 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis: Toolkit para sa Kaakibat (PDF-sa English). Ang toolkit na ito ay naglalaman ng mga resource, mensahe, at social media creative na magagamit mo upang magbahagi ng impormasyon tungkol sa 988 Lifeline (988 na Linyang Pansagip-buhay) sa iyong mga audience. Ang toolkit na ito ay may mga post at larawan sa social media sa wikang English at Spanish.

Para sa mga tanong tungkol sa 988 program (programa ng 988) sa Washington State Department of Health (Kagawaran ng Kalusugan ng Estado ng Washington), paki-email ang 988ProgramInfo@doh.wa.gov. Huwag gamitin ang inbox na ito kung kailangan mo o ng isang taong kakilala mo ng suportang pangkrisis. Sa halip, tawagan, i-text, o i-chat ang 988 Lifeline.

Tumawag, mag-text, o mag-chat sa 988 (sa English at Spanish) upang makipag-ugnayan sa 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis. Ang 988 Lifeline ay kumpidensiyal, libre, at magagamit nang 24/7/365.

Puwede kang makipag-ugnayan sa 988 Lifeline upang makakuha ng suporta para sa:

  • Pag-iisip na magpakamatay
  • Mga krisis sa kalusugan ng pag-iisip
  • Mga alalahanin sa paggamit ng substance
  • Anupamang uri ng emosyonal na pagdurusa

Puwede ka ring makipag-ugnayan sa 988 Lifeline kung nag-aalala ka tungkol sa isang mahal sa buhay na maaaring kailangan ng suportang pangkrisis.

Plakang may Sagisag ng Lisensiya para sa 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis

Maaaring bumili ang pangkalahatang publiko ng plakang may sagisag ng lisensiya para sa pag-iwas sa pagpapakamatay na sumusuporta sa Account para sa Pag-iwas sa Pagpapakamatay ng Beterano at Miyembro ng Militar sa Department of Veterans Affairs (DVA, Kagawaran ng mga Usaping Pambeterano). Pumunta sa website ng Department of Licensing (Kagawaran ng Paglilisensiya) (available sa 6 na wika) upang mag-order ng sagisag. Alamin pa sa webpage ng Sagisag para sa Pag-iwas sa Pagpapakamatay ng DVA (sa English).

Available ang mga serbisyo ng 988 Lifeline sa wikang Spanish at American Sign Language (ASL, Wikang Pansenyas ng Amerika), kasama ng mga serbisyo ng interpretasyon sa mahigit 240 wika at dayalekto.

Kung ikaw ay bingi, nahihirapang makarinig, o gumagamit ng TTY, puwede mong gamitin ang relay service na gusto mo. Puwede mo ring i-dial ang 711 at pagkatapos ay 988.

Upang makakuha ng suportang pangkrisis sa ASL, pumunta sa 988lifeline.org, piliin ang link na “For Deaf & Hard of Hearing (Para sa Bingi at Nahihirapang Makarinig)”, at piliin ang “ASL Now (ASL Na)” sa susunod na page.

Ang 988 ay hindi kapalit ng anumang call center na pangkrisis sa estado ng Washington. Idinagdag ito sa network ng mga tagapaglaan ng sentrong pangkrisis ng estado. Walang binago sa pagdispatsa para sa mga Nakatalagang Tagaresponde sa Krisis at sa mga mobile na pangkat ng mga tagaresponde sa krisis o sa mga tungkuling ginagampanan ng anupamang panrehiyong serbisyong pangkrisis. Ang mga sentrong pangkrisis ng 988 Lifeline ay tuloy-tuloy na pinatatakbo ayon sa mga pambansang pamantayan at kokonekta sa mga serbisyo ng 911 at mga panrehiyong serbisyong pangkrisis tulad ng palagi nitong ginagawa.

Tungkol sa 988 Lifeline

  • Puwede mong tawagan, i-text, o i-chat ang 988 Lifeline mula sa isang cell phone, land line, o voice-over internet device.
  • Kapag nakipag-ugnayan ka sa 988 Lifeline, ikokonekta ka sa isang nakapagsanay na tagapayo sa isang sentrong pangkrisis ng 988 Lifeline.
  • Ang Lifeline ay kumpidensiyal, libre, at magagamit nang 24/7/365. Ikinokonekta nito sa isang nakapagsanay na tagapayo sa krisis ang kahit sinong nag-iisip na magpakamatay o dumaranas ng krisis sa kalusugan ng pag-iisip. Kung nag-aalala ka tungkol sa isang mahal sa buhay na maaaring kailangan ng suportang pangkrisis, puwede ka ring makipag-ugnayan sa 988 Lifeline.
  • Hindi mo kailangang magbigay ng anumang personal na datos upang makatanggap ng mga serbisyo kapag nakipag-ugnayan ka sa 988. Maaaring subaybayan o irekord ang mga tawag, text, at chat upang matiyak ang kalidad ng mga ito o para sa pagsasanay. Maraming pamamaraan ang network system upang matugunan ang mga alalahanin tungkol sa privacy.

Mga Serbisyo ng 988 Lifeline para sa Ilang Partikular na Grupo

Linya para sa Krisis ng mga Beterano

Kung ikaw ay Beteranong dumaranas ng krisis o nag-aalala ka para sa isang may ganitong katayuan, i-dial ang 988 at pindutin ang 1 upang kumonekta sa Linya para sa Krisis ng mga Beterano (sa English at Spanish). Puwede ka ring mag-chat online (sa English at Spanish) o i-text ang 838255. Ang Linya para sa Krisis ng mga Beterano ay naglilingkod sa mga Beterano, miyembro ng serbisyo, miyembro ng National Guard and Reserve (Tagapagbantay at Panreserba ng Bansa), at sa mga taong sumusuporta sa kanila. Hindi kailangang nakatala ka para sa mga benepisyo o pangangalagang pangkalusugan ng VA upang makatawag.

Linya para sa Wikang Spanish

Upang makakuha ng suportang pangkrisis sa wikang Spanish, puwede mong tawagan, i-text, o i-chat ang 988 Lifeline at piliin ang opsiyon 2.

Puwede kang makakuha ng suporta sa mga wika bukod sa English o Spanish, tawagan lang ang 988 Lifeline at sabihin ang pangalan ng wikang kailangan mo. Nag-aalok ang Lifeline ng mga serbisyo ng interpretasyon sa mahigit 240 wika at dayalekto. Maaaring gamitin ang mga serbisyong ito nang 24/7/365.

Subnetwork na Linya para sa Kabataang LGBTQI+

Ang 988 Lifeline ay may specialized na linya para sa lesbiyana, bakla, bisexual, transgender, queer o questioning, intersex, asexual, at two-spirit (LGBTQIA2S+) na mga teenager at nakababatang taong nasa hustong gulang sa pagitan ng edad 13 at 24.

Upang kumonekta sa isang tagapayo sa krisis na puwedeng magbigay ng positibong suporta sa LGBTQIA2s+, puwede kang tumawag, mag-text, o mag-chat sa 988 at piliin ang opsiyon 3.

Mga taong American Indian at Alaska Native

Ang Native and Strong Lifeline (Linyang Pansagip-buhay para sa Katutubo at Malakas) (sa English) ay ang unang programang may ganitong uri sa bansa na nakatuon sa paglilingkod sa mga taong American Indian at Alaska Native. Ang Volunteers of America Western Washington (Mga Boluntaryo ng Kanlurang Washington sa Amerika) ang nagpapatakbo sa linyang ito na magagamit ng mga taong tatawag sa 988 Lifeline at pipili sa opsiyon 4. Partikular itong nakalaan para sa mga komunidad ng American Indian at Alaska Native ng Washington.

Ang mga tawag ay sinasagot ng mga Katutubong tagapayo sa krisis na mga miyembro at kaapu-apuhan ng mga tribo na may malapit na ugnayan sa mga komunidad. Ang mga tagapayo ng Native and Strong Lifeline ay ganap na nakapagsanay sa interbensiyon at suporta sa krisis, na may espesyal na pagtuon sa mga kagawian sa kultura at tradisyon na may kinalaman sa panggagamot.

Mga taong gumagamit ng American Sign Language (ASL)

Ang 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis ay nag-aalok ng mga serbisyo ng ASL para sa mga taong dumaranas ng krisis.

Upang makakuha ng tulong sa ASL ngayon, puwede mong sundin ang mga hakbang na ito:

  • Pumunta sa 988lifeline.org
  • Piliin ang link na “For Deaf & Hard of Hearing (Para sa Bingi at Nahihirapang Makarinig)”
  • Piliin ang “ASL Now (ASL Na)” sa susunod na page

Puwede ka ring tumawag sa 1-800-273-TALK (8255) mula sa iyong videophone upang makakuha ng suportang pangkrisis para sa iyong sarili o sa isang mahal sa buhay.

House Bill 1477 at ang Paglikha sa 988

Noong 2020, pinagtibay ng Federal Communications Commission (FCC, Pederal na Komisyon sa Pakikipag-ugnayan) ang National Suicide Hotline Designation Act (Batas sa Pagtatalaga ng Pambansang Hotline Laban sa Pagpapakamatay). Sa batas na ito, itinalaga ang 988 bilang ang bagong pambansang numero para sa sinumang dumaranas ng krisis sa kalusugan ng pag-iisip, kasama na rito ang pag-iisip na magpakamatay. Puwede mong gamitin ang code na ito sa pag-dial na may 3 digit at madaling tandaan, upang tawagan o i-text ang 988 Lifeline. Puwede ka ring mag-chat online (sa English at Spanish).

Ipinasa ng Lehislatura ng Washington ang House Bill (Panukalang-batas) 1477 (Engrossed Second Substitute House Bill (E2SHB, Ipinasang Ikalawang Pamalit na Panukalang-batas) 1477) (PDF) (sa English) upang suportahan ang 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis, gayundin upang pahusayin at palawakin ang mga serbisyo ng pagresponde sa krisis sa kalusugan ng pag-uugali at pag-iwas sa pagpapakamatay para sa lahat ng tao sa estado ng Washington. Kilala rin ang E2SHB 1477 bilang Crisis Call Center Hubs and Crisis Services Act (Batas sa mga Hub ng Call Center na Pangkrisis at mga Serbisyong Pangkrisis). Isinabatas ang E2SHB 1477 ni Gobernador Jay Inslee noong Mayo 13, 2021.

Itinatag din sa E2SHB 1477 ang Komite at Tagapagpasyang Komite para sa Crisis Response Improvement Strategy (CRIS, Estratehiya sa Pagpapabuti ng Pagresponde sa Krisis). Gagawa ang mga komiteng ito ng mga rekomendasyon para sa Gobernador at Lehislatura na tutulong upang maipatupad ang pambansang numerong 988 at mga bahagi ng E2SHB 1477. Kung gusto mong lumahok bilang miyembro ng publiko, puwede kang magparehistro upang dumalo sa pulong at magsumite ng mga pampublikong komento (available sa English).

Para sa kompletong detalye, pakitingnan ang webpage ng mga Komite para sa Crisis Response Improvement Strategy (CRIS) (sa English).

Basahin ang 2023 988 Legislative Report (Lehislatibong Ulat para sa 988 Noong 2023 (sa English)

House Bill 1134

Noong 2023, ipinasa ng Lehislatura ng Washington ang House Bill (HB, Panukalang-batas) 1134 (available sa English) bilang pantulong sa pagpapatupad ng 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis.

Sa panukalang-batas na ito, pinalalawak ang mga serbisyong pangkrisis sa Washington sa tulong ng pag-eendorso para sa mga pangkat ng mga agarang tagaresponde sa krisis at pagpopondo sa mga mobile na yunit na ito at pagsasanay ng mga tagaresponde.

Ayon sa panukalang-batas, gagawa rin ang University of Washington ng mga rekomendasyon para sa lakas-paggawa at pagsasanay na maging matatag sa krisis, para sa mga manggagawa sa pangangalaga ng kalusugan ng pag-uugali sa Washington. Bubuo ang Department of Health ng social media campaign na magsusulong sa 988 Lifeline bukod pa sa pang-impormasyong materyales na nagpapaliwanag tungkol sa 988, kung paano ito gumagana, at kung paano ito gamitin. Hangad nitong makatulong na maparami ang kaalaman at higit na maipakalat ang 988 Lifeline.

Kasama sa iba pang mahahalagang bahagi ng panukalang-batas ang pagtutulungan upang makapagtatag ng isang lokasyong magpapadali sa paglipat ng mga tawag para sa krisis sa kalusugan ng pag-iisip na pumapasok sa 911. Ibig sabihin, puwedeng sumagot sa mga tawag na ito at magbigay ng suporta ang mga tagapayo sa krisis mula sa 988 na nasa lugar kung nasaan din ang mga tagadispatsa ng 911.

Inisyatiba sa Pag-divert ng Tawag para sa Krisis sa Kalusugan ng Pag-iisip

Bago pa lang ang 988 Lifeline. Maraming tao sa Washington ang patuloy na nakikipag-ugnayan sa 911 para sa mga alalahanin sa kalusugan ng pag-iisip at paggamit ng substance, bagaman maaaring mas mahusay na makapagbigay ng suporta sa mga ganitong kaso ang mga nakapagsanay na tagapayo sa krisis mula sa 988.

Ang Washington State Department of Health (DOH) ay nakikipagtulungan sa mga sentrong pangkrisis ng 988 Lifeline at 3 Public Safety Answering Point, o PSAP (Tagasagot para sa Kaligtasan ng Publiko) (mga sentro ng 911) ng Washington, sa isang maliit na panimulang programang tinatawag na Inisyatiba sa Pag-divert ng Tawag para sa Krisis sa Kalusugan ng Pag-iisip. Mayroong dalawang pangunahing hangarin ang inisyatiba:

  1. Upang tulungan ang mga taong dumaranas ng krisis na mabilis at madaling makakonekta sa mga nakapagsanay na tagapayo sa krisis
  2. Upang i-divert ang mga tawag para sa krisis na pumapasok sa 911 nang sa gayon ay mapabuti ang karanasan ng tumatawag at mapagaan ang mga serbisyong pang-emergency

Nagsimula ang paunang programa noong Setyembre 2023. Ang layunin ay upang makapagsimulang magtrabaho ang mga tagapayo sa krisis sa 3 sa 65 PSAP ng estado sa Enero 2024. Sa ilang sitwasyon, ang mga tagapayo sa krisis ay isasali sa mga PSAP (sasagot ng mga tawag sa lokasyong iyon). Sa iba pa, makikipagtulungan sila nang mabuti sa mga PSAP mula sa ibang lokasyon.

Pagaganahin ang panimulang programa mula Enero hanggang Disyembre 2024. Nais nitong mapabuti ang access sa suporta para sa kalusugan ng pag-iisip nang kaunti lang ang abala, dahil tutulong na ang mga tagapayo sa krisis ng 988 Lifeline sa mga tawag sa 911 na mas akma para sa 988. Bibigyang-daan din nito ang mga unang tagaresponde na makatuon sa mga emergency na nangangailangan ng pagdispatsa ng 911.

Ang datos mula sa paunang programa ay tutulong sa DOH at sa mga kaakibat na magpasya kung palalawakin ang mga serbisyo ng 988 Lifeline ng Washington sa ganitong paraan.

Makipag-ugnayan sa inbox ng 988 program kung may anumang tanong.

Isang heat map ng estado ng Washington na may mga county na kinulayan ayon sa crisis call center na sasagot sa mga tawag mula sa mga area code ng mga ito.

Mga Call Center na Pangkrisis

Ang Washington ay may tatlong sentrong pangkrisis para sa 988 Lifeline na sumasagot sa mga tawag mula sa buong estado:

  • Volunteers of America of Western Washington
  • Frontier Behavioral Health
  • Crisis Connections

Ididirekta ang iyong tawag sa isa sa mga sentrong pangkrisis na ito batay sa mapa sa kanan. Iruruta ang mga tawag ayon sa iyong area code.

Nagha-hire ang mga sentrong pangkrisis ng mga mapagkalingang tao ngayon! Kung interesado ka sa career na tumutulong sa mga taong dumaranas ng krisis, mag-apply ng trabaho sa isang sentrong pangkrisis (available sa English).

Mga Bagay na Kadalasang Itinatanong

Ano ang National Suicide Prevention Lifeline (NSPL, Pambansang Linyang Pansagip-buhay para sa Pag-iwas sa Pagpapakamatay), at kapalit ba nito ang 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis?

Ang NSPL ay pambansang network ng mga sentrong pangkrisis na lokal, independiyente, at pinopondohan ng estado. Handa ang mga ito upang rumesponde at tumulong sa mga taong emosyonal na nagdurusa o nag-iisip na magpakamatay.

Ang 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis ay hindi kapalit ng numero ng telepono ng NSPL na may sampung digit, pero nagbibigay ito ng isa pa at mas madaling paraan upang maiugnay ang mga tao sa mas maraming sentrong pangkrisis. Puwede kang makipag-ugnayan sa 988 Lifeline o kaya ay tumawag sa 1-800-273-TALK (8255) upang kumonekta.

Ano ang mangyayari kapag tumawag ako sa 988?

Kapag tumawag ka sa 988, may maririnig kang automated na mensahe ng pagbati na nagtatampok ng mga karagdagang opsiyon (opsiyon 1 para sa Linya para sa Krisis ng mga Beterano, opsiyon 2 para sa Linya para sa Wikang Spanish, opsiyon 3 para sa Subnetwork na Linya para sa Kabataang LGBTQI+, at opsiyon 4 para sa Native and Strong Lifeline).

Kung mananatili ka sa linya nang hindi pumipili ng kahit alin sa mga opsiyong ito, iruruta ang iyong tawag sa isang lokal na sentrong pangkrisis ng 988 Lifeline (batay sa iyong area code). Kung hindi masasagot ng lokal na sentrong pangkrisis ang tawag, awtomatiko kang iruruta sa isa pang sentro sa estado ng Washington o sa isang pambansang backup na sentrong pangkrisis. Marami pang impormasyon sa infographic (available sa English) kung paano iniruruta ang mga tawag sa 988 Lifeline.

Sasagutin ng isang nakapagsanay na tagapayo sa krisis ang iyong tawag, text, o chat. Ang taong ito ay makikinig sa iyo, magsisikap na unawain ang nararanasan mo, magbibigay ng suporta, at makikipagtulungan sa iyo tungkol sa mga paraan kung paano mapagagaan ang iyong pakiramdam. Puwede ka rin niyang ikonekta sa karagdagang tulong o mga resource.

Available ang mga live na serbisyo ng 988 Lifeline sa wikang English, Spanish, at ASL. Nag-aalok din ang Lifeline ng mga serbisyo ng interpretasyon sa mahigit 240 karagdagang wika at dayalekto para sa mga taong tumatawag sa 988. Ang mga serbisyo ng interpretasyon ay ibinibigay ng Language Line Solutions (Mga Solusyong Pangwika para sa Linya).

Kailan naging live sa buong bansa ang 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis?

Hulyo 16, 2022. Magagamit na sa buong bansa ang 988 na code sa pag-dial.

Ano ang kinaibahan ng 988 sa 911?

Itinatag ang 988 Lifeline upang mapabuti ang access sa mga serbisyong pangkrisis na tutugon sa lumalaking mga pangangailangan sa pangangalaga para sa krisis kaugnay ng pagpapakamatay at kalusugan ng pag-iisip sa bansa. Nagbibigay ang numerong 988 ng mas madaling access sa mga sentrong pangkrisis at mga resource na pangkrisis. Ang mga sentro at resource na pangkrisis na ito ay naiiba sa mga hangarin ng 911 para sa kaligtasan ng publiko. Nakatuon ang 911 sa pagdispatsa ng Emergency Medical Services (EMS, Mga Serbisyong Medikal na Pang-emergency), bumbero, at pulis ayon sa pangangailangan.

Kung tatawag ako sa 988, awtomatiko bang ididispatsa ang mga unang tagaresponde, tulad ng pulis o EMS?

Ang pangunahing layunin ng 988 Lifeline ay magbigay ng suporta para sa mga taong nag-iisip na magpakamatay, dumaranas ng krisis sa kalusugan ng pag-iisip, o emosyonal na nagdurusa sa mga sandaling pinakakailangan nila ito, at sa paraang nakasentro sa mga pangangailangan ng taong dumaranas ng krisis.

Ang karamihan ng taong nagpapatulong mula sa 988 Lifeline ay hindi nangangailangan ng anumang karagdagang interbensiyon sa sandaling iyon. Sa buong bansa, mas kaunti sa 2% ng mga tawag, text, at chat sa 988 ang nangangailangan ng mga serbisyong pang-emergency, tulad ng 911. Bagaman may ilang isyu sa kaligtasan at kalusugan na maaaring nangangailangan ng pagresponde mula sa tagapagpatupad ng batas o EMS (tulad ng kapag may nagtatangkang magpakamatay), ang nakakoordinang pagresponde ng 988 Lifeline ay naghahangad na makapaglaan ng estabilisasyon at pangangalaga sa paraang may pinakakaunting restriksiyon.

Ire-refer ba sa 911 ang mga tawag sa 988 Lifeline?

Sa maliit na porsiyento ng mga tawag sa 988 Lifeline, kailangang i-activate ang sistema ng 911 kapag may agarang peligro sa buhay ng isang tao na hindi kayang mabawasan habang nasa tawag, text, o chat. Sa mga ganitong sitwasyon, ang tagapayo sa krisis ay magbabahagi ng impormasyon sa 911 upang tumulong na sagipin ang buhay ng taong dumaranas ng krisis.

Irerekord ba ang tawag ko sa 988?

Sa pambati ng 988 Lifeline, ipinahahayag na maaaring subaybayan o irekord ang mga tawag upang matiyak ang kalidad ng mga ito. Bukod pa rito, ang mga sentrong pangkrisis na nasa network ng 988 Lifeline ay maaaring independiyenteng gumamit ng mga rekording ng tawag para sa pagsasanay. Depende ito sa pinakamahuhusay na kasanayan ng sentro.

Kapag nakipag-ugnayan ka sa 988 Lifeline, hindi mo kailangang magbigay ng anumang personal na datos upang makatanggap ng mga serbisyo. Maraming pamamaraan ang network system upang matugunan ang mga alalahanin tungkol sa privacy.

Magagamit ba ang 988 Lifeline para sa mga alalahanin sa paggamit ng substance?

Oo, puwede mong i-dial ang 988 para sa mga alalahanin sa paggamit ng substance—pero sakaling may emergency ng labis na paggamit, tumawag sa 911 at magbigay ng naloxone (available sa 6 na wika).

Paano pinopondohan ang 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis?

Ang Kongreso ang nagbigay ng pondo para sa lakas-paggawa ng Department of Health and Human Services sa pamamagitan ng American Rescue Plan (Plano ng Pagsagip ng Amerika), kung saan ang ilan ay sumusuporta sa lakas-paggawa ng 988 Lifeline.

Sa hiling para sa badyet sa Taon ng Pananalapi na 2022 ng Pangulo, nagbibigay ng karagdagang pondo para sa 988 Lifeline at para sa iba pang pederal na pinagmumulan ng pondong pangkrisis.

Sa antas ng estado, bukod pa sa mga umiiral nang pinanggagalingan ng pondo para sa pampubliko/pribadong sektor, ang National Suicide Hotline Designation Act ng 2020 ay nagpapahintulot sa mga estado na magpatupad ng mga bagong bayarin sa telekomunikasyon ng estado upang masuportahan ang pagpapatakbo sa 988 Lifeline.

Ang E2S HB 1477 at 1134 ay pinopondohan din gamit ang buwis sa mga linya ng telepono at Voice over Internet Protocol (VoIP) ng Washington.

Sa aling mga wika available ang mga serbisyo ng 988 Lifeline?

Available ang mga live na serbisyo ng 988 Lifeline sa wikang English, Spanish, at American Sign Language (ASL). Gumagamit ang 988 Lifeline ng Language Line Solutions upang magbigay ng mga serbisyo ng pagsasalin sa mahigit 240 karagdagang wika at dayalekto. Sa kasalukuyan, available lang ang text at chat sa wikang English at Spanish.

Puwede bang gumamit ng 988 Lifeline ang mga taong nahihirapang makarinig o bulag?

Sa kasalukuyan, napaglilingkuran ng 988 Lifeline ang mga user ng TTY gamit ang gusto nilang relay service o kapag nag-dial sila sa 711, pagkatapos ay 988. Nag-aalok din ang 988 Lifeline ng mga serbisyo sa chat at text. Puwede ka ring makakuha ng suporta sa American Sign Language (ASL) kapag binisita mo ang website ng 988 Lifeline, pinili ang link na “For Deaf & Hard of Hearing (Para sa Bingi at Nahihirapang Makarinig)”, at pinili ang “ASL Now (ASL Na)” sa susunod na page.

Ang Substance Abuse and Mental Health Services Administration (SAMHSA, Pangasiwaan ng mga Serbisyo para sa Pagkalulong sa Substance at Kalusugan ng Pag-iisip) ay ang pangunahing pederal na ahensiya, na nakikipagtulungan sa Federal Communications Commission (FCC) at sa Department of Veterans Affairs. Ang Vibrant Emotional Health ay ang Pambansang Tagapangasiwa ng 988 Lifeline Laban sa Pagpapakamatay at Krisis.

(Nasa English lang ang mga link na nasa itaas)

Mga Resource

911 logo

911

Ang mga nakapagsanay na telecommunicator ang sumasagot sa mga tawag at text at nagpapadala ng mga serbisyo ng pulis, bumbero, o ambulansiya sa mga taong dumaranas ng mga emergency na may banta ng panganib sa buhay o ari-arian. Maaaring gamitin ang 911 nang 24/7, 365 araw sa isang taon.

Tawagan o i-text ang 911 para sa:

  • Mga aksidente sa trapiko
  • Pagsalakay o panloloob sa tahanan
  • Pisikal na karahasan o pinsala
  • Sunog
  • Labis na paggamit ng droga o malubhang pananakit sa sarili
  • Kawalan ng malay
  • Nagaganap na pagtatangkang magpakamatay
988 logo

988

Ang mga nakapagsanay na tagapayo sa krisis ang sumasagot sa mga tawag, text, at chat at nagbibigay ng kumpidensiyal na suporta sa mga taong dumaranas ng krisis sa kalusugan ng pag-iisip, alalahanin sa paggamit ng substance, o pag-iisip na magpakamatay. Ang mga tagapayo sa krisis mula sa 988 ay puwede ring magbahagi ng mga resource sa komunidad para sa tuloy-tuloy na suporta. Maaaring gamitin ang 988 nang 24/7, 365 araw sa isang taon.

Makipag-ugnayan sa 988 para sa:

  • Pag-iisip na magpakamatay
  • Pakiramdam ng pagkabalisa, depresyon, o pagpapanik
  • Mga alalahanin sa paggamit ng substance
  • Anumang emosyonal na pagdurusa o pakiramdam ng krisis

Tumawag o mag-text sa: 988

I-chat ang: 988lifeline.org/chat

TTY: I-dial ang 711, pagkatapos ay 988

Videophone para sa ASL: https://988lifeline.org/help-yourself/for-deaf-hard-of-hearing/

211 logo

211

Ang mga nakapagsanay na espesyalista sa impormasyon at referral ang nagbibigay-suporta sa mga pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan at panlipunan sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga tao sa mga lokal na serbisyo at resource sa komunidad. Iba-iba ang mga oras ng 211 depende sa iyong lokasyon. May ilang call center na bukas mula Lunes hanggang Biyernes, habang ang iba naman ay bukas sa loob ng pitong araw sa isang linggo.

Makipag-ugnayan sa 211 para sa suporta sa paghahanap ng mga lokal na serbisyo at resource para sa:

  • Mga pangangailangan sa pagkain, masisilungan, o transportasyon
  • Tulong sa mga gastos sa pag-upa, pabahay, at utility
  • Mga pangangailangan sa kalinisan at pangangalagang pangkalusugan para sa iyong sarili o ibang tao
  • Walang bayad na suporta ng tagapagbigay-alaga
  • Tulong sa pag-aaral o pagtatrabaho
  • Pagsuporta sa mga nakatatanda at mga taong namumuhay nang may mga kapansanan

Tumawag sa: 211

I-text ang: zip code sa 898211

I-chat ang: 211kingcounty.org

TTY: I-dial ang 711, pagkatapos ay 211

Care Connect WA Logo

Community Care Hubs

Ang mga tagapangasiwa ng pangangalaga ay tumutulong sa mga tao at sa kanilang mga pamilyang may mga komplikado o maraming pangangailangan para sa masisilungan, transportasyon, pangangalagang pangkalusugan, at marami pang iba. Ang mga panrehiyong hub para sa pangangalaga sa komunidad ay nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa mga lokal na organisasyon upang makapagbigay ng tuloy-tuloy na pangangalaga sa komunidad at masuportahan ang mga tao sa proseso ng pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.

Makipag-ugnayan sa Community Care Hubs (Mga Hub para sa Pangangalaga sa Komunidad) para sa suporta sa pabahay, pagkain, masisilungan, transportasyon, pangangalagang pangkalusugan, tulong pinansiyal, at marami pang iba.

Ang call center na nagsusumite ng mga referral sa Community Care Hubs ay magagamit mula Lunes hanggang Biyernes, 9 a.m. hanggang 7 p.m. at tuwing Sabado nang 9 a.m. hanggang 1 p.m.

Tumawag sa: 1-833-453-0336

Washington Poison Center logo

Washington Poison Center

Ang Washington Poison Center (WAPC) ay nagbibigay ng agaran at libreng payo at tulong sa paggamot mula sa mga nakapagsanay na nars, parmasyutiko, at tagapagbigay-impormasyon tungkol sa lason.

Kung ikaw o ang isang mahal sa buhay ay nakalunok o kaya naman ay nalantad sa anumang nakalalason, makamandag, o posibleng mapanganib na substance, puwede kang makakuha ng kumpidensiyal na suporta sa telepono nang 24/7/365. Ang WAPC ay nagbibigay ng impormasyon at suporta sa 140 wika.

Ang ekspertong sasagot sa iyong tawag ay puwedeng magbigay sa iyo ng marami pang impormasyon tungkol sa paggamot at mag-alok ng patnubay kung kailan dapat sumugod sa emergency room o maghanap ng iba pang medikal na paggamot.

Tumawag sa: 1-800-222-1222

TTY: I-dial ang 711 para sa serbisyo ng Washington Relay

Mga Numerong Pangkrisis

(maliban kung binanggit, available lang sa English)

  • Teen Link (nasa English ang website, available sa Spanish ang ilang serbisyo) – 1-866-TEENLINK
  • The Trevor Project – 1-866-488-7386, i-text ang 678-678
  • Pambansang Hotline para sa Kalusugan ng Pag-iisip ng mga Ina (nasa English ang website, available sa Spanish ang mga serbisyo) – 1-833-9-HELPMOMS
  • Linya ng Tulong Laban sa Pagdurusa sa Sakuna (available sa Spanish) – 1-800-985-5990
  • Trans Lifeline – 1-877-565-8860
  • Ang Native Resource Hub (available sa 12 wika): Ang nakasentrong linya ng resource na ito para sa buong bansa ay binuo bilang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga tribo at mga taong kaanib ng mga tribo na maaaring nangangailangan ng tulong para sa pagharap sa komplikadong sistema ng kalusugan ng pag-uugali. Tinutulungan ng Hub ang mga ahensiyang pantribo, propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan, ospital, at programa ng in- at outpatient, pati na ang mga pamilya at indibidwal. Para sa iba pang impormasyon, tawagan nang direkta ang Hub sa 1-866-491-1683.

Mga Resource para sa 988

Ang ilan sa mga resource na ito ay available sa iba pang wika. Gamitin ang orange na button na pampili ng wika sa tuktok ng page na ito upang humanap ng mga resource na nasa iyong wika.