Ano ang Long COVID?
Ang mga taong nahawahan ng COVID-19 ay maaaring patuloy na magkaroon ng mga sintomas at pangmatagalang epekto pagkatapos nilang mahawa na tinatawag na “long COVID (matagalang COVID)” o “post-COVID Syndrome (Kalipunan ng mga Sintomas pagkatapos magka-COVID).” Marami ang hindi pa natutuklasan tungkol sa long COVID. Patuloy na nadaragdagan ang ating kaalaman habang ipinagpapatuloy ang pananaliksik tungkol sa long COVID.
Mga Sintomas ng Long COVID
Ang mga taong may long COVID ay maaaring magkaroon ng iba't ibang sintomas na puwedeng tumagal sa loob ng maraming linggo, buwan, o taon pagkatapos mahawa.
Ang mga sintomas ay maaaring kabilangan ng, ngunit hindi nalilimitahan sa:
- Pakiramdam na pagod, lalo na pagkatapos mag-isip o kumilos
- Lagnat
- Problema sa paghinga
- Pag-ubo
- Paninikip ng dibdib
- Pagbabago ng pang-amoy at/o panlasa
- Problema sa pag-iisip o pagtuon o “brain fog”
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng tiyan
- Pagbabago ng cycle ng regla
Sino ang maaaring magkaroon ng Long COVID?
Ang sinumang nahawahan ng COVID-19 ay maaaring magkaroon ng long COVID. Mas madalas itong mangyari sa mga taong may mas malulubhang sintomas ng COVID-19, lalo na ang mga taong kinailangang magpaospital. Maaaring mas nanganganib na magkaroon ng long COVID ang mga taong nakaranas ng multisystem inflammatory syndrome (kalipunan ng mga sintomas na pamamaga ng maraming sistema) noong nahawahan sila o pagkatapos nilang mahawahan ng COVID-19. Mukhang mas posibleng magkaroon ng long COVID ang mga babae, nakakatandang nasa hustong gulang, taong may umiiral nang mga kondisyon sa kalusugan at taong hindi nagpabakuna. Ang mga taong maraming beses nang nagka-COVID-19 ay maaaring magkaroon din ng mas maraming panganib sa kalusugan kasama na ang long COVID.
Pag-iwas sa Long COVID
Ang pinakamabisang paraan para makaiwas sa long COVID ay hindi mahawahan ng COVID-19. Protektahan ang iyong sarili at ang ibang tao laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng mask sa matataong lugar, pananatili sa bahay kapag may sakit, at pagkuha ng mga inirerekomendang bakuna at booster na dosis.
Ang mga nabakunahang indibiduwal na mahahawahan pa rin ng COVID-19 ay mas hindi posibleng magkaroon ng long COVID kaysa sa mga hindi pa nabakunahang indibiduwal.
Alamin ang tungkol sa pagpapabakuna para sa COVID-19
Pag-diagnose sa Long COVID
Posibleng mahirap na i-diagnose ang long COVID. Posibleng mahirap para sa mga pasyente na ipaliwanag ang mga sintomas. Walang pagsusuri sa laboratoryo o pag-aaral gamit ang koleksiyon ng imahe para makagawa ng diagnosis. Maaaring normal lang ang makitang resulta sa mga medikal na pagsusuri kahit may long COVID ang isang pasyente.
Ang mga taong nag-ulat ng mga sintomas ng long COVID ay hindi nagpakita ng mga sintomas ng COVID-19 at hindi nasuri para sa COVID-19 noong una silang nagkasakit. Dahil dito, mahirap na kumpirmahin kung nagkaroon sila ng COVID-19 at maaari itong makapigil o makaantala sa pag-diagnose ng long COVID. Mahalaga na magpasuri para sa COVID-19 kapag nagkasakit ka sa unang pagkakataon upang makatulong ito sa iyong diagnosis para sa long COVID sa kalaunan.
Mga Bago at Umiiral nang Kondisyon sa Kalusugan
Maaaring makaapekto ang impeksiyon ng COVID-19 sa maraming sistema ng organ at magdulot ng mga kondisyong autoimmune na posibleng maiugnay sa long COVID. Maaaring mangyari ang mga kondisyong autoimmune kapag ang immune system ng katawan ay nagdulot ng pamamaga o pagkasira ng tissue sa mga apektadong bahagi ng katawan. Ibig sabihin, ang mga taong nagka-COVID-19 na ay mas posibleng magkaroon ng mga bagong alalahanin sa kalusugan, gaya ng diabetes o kondisyon sa puso. Ang mga umiiral nang kondisyon sa kalusugan gaya ng diabetes at sakit sa puso ay maaari ding lumala pagkatapos mahawahan ng COVID-19.
Long COVID at mga Karapatan kaugnay ng Kapansanan
Ang long COVID ay maaaring magdulot ng problema sa pangangatawan at pag-iisip, at itinuturing itong kapansanan ayon sa Americans with Disabilities Act (ADA, Batas sa mga May Kapansanang Taga-America). Ang mga taong may long COVID ay legal na pinoprotektahan laban sa diskriminasyon kaugnay ng kapansanan. Maaaring magsagawa ng mga makatwirang pagbabago sa mga negosyo, estado, at lokal na gobyerno para sa kanila upang makapaglaan ng mga limitasyon kaugnay ng long COVID.
Patnubay sa “Long COVID” bilang Kapansanan ayon sa ADA (sa English)
Long COVID at Pagbubuntis
Ang mga taong buntis o nagbuntis kamakailan ay mas posibleng magkasakit nang malubha dahil sa COVID-19. Maaaring magdulot ang COVID-19 ng mga komplikasyong nakakaapekto sa pagbubuntis at sa nabubuong sanggol.
Marami ang hindi pa natutuklasan tungkol sa kung paano maaaring makaapekto sa pagbubuntis ang long COVID. Ang National Institutes of Health (NIH, Mga Pambansang Institusyon ng Kalusugan) (sa English) ay magsasagawa ng pag-aaral sa loob ng 4 taon tungkol sa mga pangmatagalang epekto ng COVID-19 sa mga babaeng nagka-COVID-19 habang buntis, at sa kanilang mga anak.
Long COVID at Kabataan
Maaari ding magkasakit ng long COVID ang kabataan. Ang kabataang nakakaranas ng mga sintomas ng long COVID gaya ng pagkapagod at problema sa pagtuon ay posibleng mahirapang makilahok sa paaralan at sa iba pang aktibidad. Posibleng mahirapan ang maliliit na bata na maipaalam ang kanilang mga sintomas.
Ang mga batang may long COVID ay maaaring makuwalipika para sa special education, mga proteksiyon o kaugnay na serbisyo sa ilalim ng 2 Pederal na batas (sa English).
Ang pinakamabisang paraan para makaiwas ang kabataan sa long COVID ay mapabakunahan sila laban sa COVID-19.
Alamin pa ang tungkol sa pagbabakuna sa kabataan.
Impormasyon para sa mga Doktor
- GUMALING: Pananaliksik tungkol sa COVID para Mapabuti ang Paggaling (sa English): ginawa ng National Institutes of Health (NIH) upang mapangasiwaan ang pananaliksik tungkol sa Long COVID.
- Mga Kondisyon pagkatapos ng COVID: Impormasyon para sa mga Provider ng Pangangalagang Pangkalusugan (sa English): pangkalahatang-ideya para sa mga provider ng pangangalagang pangkalusugan na ginawa ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC, Mga Sentro sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit).
- Mga Kondisyon pagkatapos ng COVID: Siyensiya ng CDC (sa English) na buod ng siyensiya tungkol sa long COVID at mga link sa mga klinikal na webinar tungkol sa mga kondisyon pagkatapos ng COVID.